Ang sangkap ng pagsulat

Date Posted: January 15, 2018 at 01:32 PM


 

  Hindi kailanman sumagi sa noo’y murang isip ni Radney Ranario na siya ay magiging isang manunulat. Pangarap niyang maging isang inhinyero ngunit nauwi siya sa pagiging guro pagkatapos kumuha ng kursong AB Literature sa Philippine Normal University. Tulad ng maraming batikang manunulat, nagsimula siya sa pagbabasa. Ayon sa kanya, dahil sa dami ng magagandang likha sa kanyang mga aklat noong high school, siya ay nahikayat magbasa at di naglaon, magsulat. Dala-dala bilang inspirasyon ang mga likha nila Cirilio Bautista at Virgilio Almario, ninais niyang maging isang makata.

  “Kapag binabalikan ko ang ‘di sinasadyang pagkakapadpad sa sining na ito, tumitibay lalo ang pag-unawang mula’t mula, kinaladkad ako rito ng pangangailangang isiwalat ang alaala para magbahagi ng higit na makabuluhang danas lagpas sa sigalot ng mga sandali,” sabi niya.

  Hindi madali maging isang manunulat. Mahirap sa umpisa ng pagsusulat at mahirap din hanggang sa dulo. Ayon sa kanya, higit sampung taon siyang nagbabasa ng iba’t-ibang tulang nailathala. Nais niyang maihanay ang kanyang mga likha sa mga nababasa ngunit ibinabalik sa kanya ang kanyang mga ipinapadalang gawa.

  Ngunit hindi siya tumigil sa pagsulat. Pinipilit niyang hanapin ang mga bagay na maaaring isulat. Ayon sa kanya, naisip din niya sa paglaon na paulit-ulit na proseso ng pangangapa ang pagsulat.

  Isang dekada nang ibinuhos ni Radney Ranario upang makagawa ng isang obrang sumasalamin sa pangangahas sa pagsabak sa mga bagay na hindi inaasahan at hindi nakikita ng ating mga mata. Ang kanyang librong pinamagatang Paglusong ay isang koleksyon ng iba’t-ibang tulang tumatalakay sa buhay bilang isang pakikipagsapalaran.

 “Ang paglusong ay hamon sa sarili, pagtanggap sa mga bagay na walang katiyakan; pag-asam ng liwanag; pag-amin sa mortalidad nang hindi pinapanawan ng tibay ng loob,” ika niya.

  At ayon kay Radney Ranario, ang pagsusulat ay isang pakikipagsapalaran. At sa pakikipagsapalarang ito, kailangan nating bumalik sa simula pero ayon muli sa kanya, mahirap sabihin ang puno’t dulo ng pagtula. Marami kang pwedeng maisulat mula sa iisang ideya o salita at mahirap ito para sa isang manunuat na hindi alam kung bakit siya nagsusulat. Ang pagsusulat ng tula ang sumagot sa kanyang maraming tanong. Tulad ng kanyang akda, lumusong siya sa hindi inaasahan at ito ang kinalabasan.

Sa kanyang pagtuturo ng malikhaing pagsusulat, hinihikayat niya ang kanyang mga mag-aaral na bumalik muli sa simula at sa mga pangunahing elemento ng pagsusulat katulad ng paggamit ng mga tayutay at pagpapanatili ng sukat ng tula. Sa nagbabagong panahong dala ng teknolohiya, nagiiba na ang daan ng malayang pagpapahayag at malikhaing pagsulat. Bagama’t malaya, hindi ito madali. Sa pagsusulat ng tula, kailangan malaman ng maigi ang kaibahan ng pagsusulat nang may damdamin at pagsusulat nang malayo sa damdamin. Sa pagsusulat, kailangan mahanap ang balanse ng katwiran at emosyon.

  “Ang magandang panitikan ay mananatiling magandang panitikan,” ayon sa kanya. “May mga sangkap ang sining na hindi kailanman magbabago.”

 

___________________

 

Si Radney Ranario (MFA Literature) ay isang dating propesor sa Languages Department ng Adamson University at kamakailan ay inilunsad ang Paglusong, ang kanyang kauna-unahang libro ng mga orihinal na tula. Nakamit nya ang pangalawang gantimpala sa My Favorite Book Essay Writing Contest noong 2014. Sya’y kasalukuyan nagtuturo sa Philippine Normal University.