Pagsisimula ng Isang Bagong Paninindigan: Araw ng Pagtatalaga sa Adamson University

Date Posted: August 15, 2024 at 02:07 PM


Isang makabuluhang pananalita ang ibinahagi ni Fr. Daniel Franklin Pilario, CM, ika-pitong Pangulo ng Adamson University, sa idinaos na Araw ng Pagtatalaga, isang mahalagang kaganapan na nagsilbing pasimula ng panibagong taon ng paglilingkod para sa buong komunidad ng Unibersidad, Agosto 12 sa Adamson University Theater. 

Sa kanyang pambungad na pananalita, ipinahayag ni Fr. Pilario ang kanyang pananaw hinggil sa kahalagahan ng pagiging pantay-pantay at pagkakaisa sa loob ng pamayanan.  

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang komunidad kung saan ang bawat isa, mula sa mga guro hanggang sa mga kawani, kasama na ang mga gwardya at maintenance, ay mayroong pantay na pagpapahalaga.  

“Kung hindi man tayong lahat ang kasya dito sa maliit na teatro ngayon, gagawa tayo ng mas malaki pa. Para lahat ay kasya. Walang maiiwan, lahat kasama,” ani Fr. Pilario. 

Isang bahagi ng kanyang talumpati ay tumalakay sa kanyang pagtanggi sa ideya ng isang tradisyonal na "investiture," na aniya’y isang luma at hindi na angkop na kaugalian sa makabagong panahon.  

"I refuse to be invested. Because there is no such power that is granted unto me," wika niya, na nagbigay-diin sa ideya na ang tanging kapangyarihan na nararapat ay ang kapangyarihan ng paglilingkod. 

Binigyang-tuon din ni Fr. Pilario ang tatlong mahahalagang konsepto na nagmula sa kanyang karanasan bilang retreat facilitator ng CBCP sa Bukidnon: pakikinig, pamumuno, at misyon.  

Sa ilalim ng pakikinig, hinikayat niya ang mga miyembro ng Unibersidad na gawing pangunahing layunin ang makinig sa bawat isa, lalo na sa mga karanasan at pangarap ng bawat kasapi ng komunidad.  

"Hindi po automatic na marami sa atin ang magsalita, ang magpahayag ng opinyon, lalo na ang magtanong," pahayag niya, habang ipinapaliwanag ang kanyang kuro-kuro ukol sa mga aspetong nagtataguyod ng isang kapaligiran kung saan ang bawat isa ay malayang makapagpahayag nang walang takot. 

Pagdating sa pamumuno at awtoridad, ipinakita ni Fr. Pilario ang kanyang pananaw kung saan ang tunay na pamumuno ay nakabase sa paglilingkod at hindi sa kapangyarihan.  

"Sa Adamson, no one has the right to terrorize others," kanyang binigyang-diin habang nag-uudyok na gawing espasyo ng pagkalinga at habag ang mga silid-aralan at opisina sa Unibersidad. 

Sa huli, ipinaalala ni Fr. Pilario na ang pagtuturo ay hindi lamang isang propesyon kundi isang misyon -- isang bokasyon na dapat isabuhay ng bawat isa sa loob ng Unibersidad. Binigyang-halaga niya ang papel ng edukasyon sa pagbibigay ng pag-asa at paghubog ng pagkatao ng mga mag-aaral. 

Inilahad din ni Fr. Pilario ang sampung pangunahing agenda ng unibersidad para sa darating na taon, kabilang ang mga plano sa pagpapataas ng sahod ng mga guro, pagtatayo ng mga bagong pasilidad, pagpapatibay ng Vincentian spirituality, at pagpapalawak ng mga programang pang-akademiko.  

Nabanggit din niya ang mga hakbang para mapalakas ang internasyonal na ugnayan ng unibersidad at ang paglahok sa mga bagong paligsahan sa UAAP tulad ng judo at esports. 

Sa pagtatapos, ibinahagi ni Fr. Pilario ang tatlong kwento na nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa temang "Education with a Heart: Catalyst of Transformation at the Margins," na siyang layunin ng Adamson University.

Sa pamamagitan ng mga kwentong ito, ipinaalala niya sa komunidad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malasakit sa kapwa, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.